Pagsusuri sa unang 100 araw ng rehimeng US-Aquino
Inilabas ng Bagong Alyansang Makabayan
Oktubre 6, 2010
I have laid out the tenets that will mark the new Philippines: good governance, employment generation, quality education, improved public health, and a home for every family within safe communities.
Benigno Simeon Aquino III, Speech before the US-based Council on Foreign Relations, September 23, 2010
Oktubre 8 ang tinatayang ika-100 araw sa panunungkulan ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III. Ito ang sinasabing sapat na panahon para sukatin ang mga reporma at patakaran ng isang administrasyon. Indikasyon ito ng maaaring itakbo ng kabuuan ng termino ng isang pinuno.
Ang unang isang daang araw ni Aquino sa Palasyo ay kinakitaan ng pagpapatuloy at papapatindi sa maraming patakaran ng nagdaang administrasyon; ng kabiguan sa pagpapanagot ng malalaking mandarambong tulad ni Arroyo, nagpapatuloy na paglabag sa karapatang pantao, patuloy na pangangayupapa sa dayuhan, kawalan ng reporma sa lupa, ang matinding bangayan ng mga paksyon sa loob ng administrasyon, at kahinaan sa pamumuno sa mga mahahalagang usapin tulad ng naganap na Manila hostage crisis. Ang unang 100 araw ay maituturing na salat sa tunay na pagbabago.
Bagama’t sa pang-ibabaw ay pilit ipinapakita ni Aquino na iba siya sa nagdaang rehimeng Arroyo (hindi paggastos ng malaki sa US
trip, pagiging bukas sa media, pagrepaso sa mga
appointments ni Arroyo, atbp.), hindi binago ng gobyernong Aquino sa maraming kontra-mamamayan, makadayuhan at anti-nasyunal na patakaran ng naunang rehimen. Marami sa hamon ng mamamayan ay sadyang binalewala, hindi binigyang-pansin, ni tinugunan.
- Ang rehimeng Aquino ay bigo sa pagpapanagot kay Arroyo at mga alipores nito sa usapin ng pandarambong, lansakang paglabag sa karapatang pantao, malawakang pandaraya sa eleksyon at iba pang mga krimen. Ito’y sa kabila ng pagbubuo ng Truth Commission na ngayon pa lamang ay bulnerable na sa mga maniobra ng kampo ni Arroyo tulad ng ligal na hamon sa Korte Suprema. Walang anumang makabuluhang usad sa pagtamo ng hustisya.
- Si Aquino ay nagpapatuloy ng mga neo-liberal at maka-dayuhang patakaran sa ekonomiya na matagal nang nabigong iahon ang bansa mula sa kumunoy ng kahirapan. Nakaasa ito sa dayuhang pamumuhunan, dayuhang pautang at OFW remittances para patakbuhin ang ekonomiya. Wala itong plano para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.
- Nagpapatuloy ang mga paglabag sa karapatang pantao, partikular ang mga extrajudicial killings, pangunahin dahil nananatili pa rin ang Oplan Bantay Laya, ang counter-insurgency program na nagbubunsod nito at dahil walang mataas na opisyal militar o sibilyan na napapanagot kaugnay nito.
- Matingkad ang bangayan ng mga paksyon ng naghaharing-uri sa loob ng administrasyon bunga ng agawan sa “spoils of office”, bagay na nagiging dahilan ng marami sa kapalpakan sa pamumuno (hostage crisis, jueteng, atbp.).
- Nagpakita rin si Aquino ng pagsuporta sa US war on terror, pananatili ng tropang Amerikano sa bansa at panghihimasok ng US sa rehiyon. Umaayon si Aquino sa mga dikta ng US kaugnay sa counter-insurgency.
Pagpapanagot kay Arroyo
There is hereby created the PHILIPPINE TRUTH COMMISSION… which shall primarily seek and find the truth on, and toward this end, investigate reports of graft and corruption of such scale and magnitude that shock and offend the moral and ethical sensibilities of the people
Executive Order No. 1
Sinabi ni Aquino sa
inauguration speech niya na “there can be no reconciliation without justice”. Hanggang ngayon, bigo pa rin ang administrasyon Aquino na makagawa ng makabuluhang usad sa usapin ng pagpapanagot kay Arroyo at mga alipores niya na sangkot sa malawakang korupsyon, paglabag sa karapatang pantao at pangangayupapa sa dayuhang interes, lalo na ang imperyalismong US.
Ang sinasabing Truth Commission (TC) ay wala pang napapatunayan o nagagawang aksyon. Walang ngipin ang TC; halimbawa, hindi maaaring pwersahin ang mga testigo, kabilang na si Arroyo, na humarap sa kanilang pagdinig. Anupa’t sa halip na mapabilis ang pagsasampa ng mga kaso, bumabagal pa ito, dahil tali ang kamay ng Department of Justice; halimbawa, na hindi maaksyunan ang kaso ng NBN-ZTE at ibang mga kaso ng korupsyon dahil kailangan pa nitong hintayin ang rekomendasyon ng TC.
Sa usapin ng pagpapanagot sa mga lumabag sa karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng US-Arroyo, wala pang kaso na naisasampa sa mga tulad ni Gen. Jovito Palparan na kilalang sangkot at utak sa marami sa mga pagpatay at pagdukot ng mga aktibista. Pinagtatakpan ng rehimeng US- Aquino ang patakaran ng estado ng pagpatay at paghuli sa mga aktibista at tagasuporta nila sa ilalim ng rehimeng US-Arroyo.
Ayon sa isang pag-aaral, nasa 1.05% lamang ng mahigit 300 kaso ng
extrajudicial killings sa panahon ni Arroyo ang humantong sa pagpapakulong ng mga suspek. Walang indikasyon na magbabago ang kalakarang ito sa ilalim ng rehimeng Aquino.
Hindi isinama ni Aquino ang usapin ng paglabag sa karapatang pantao sa mga dapat imbestigahan ng Truth Commission. Hindi layon ni Aquino na malaman ang katotohanan sa mga naging patakaran ng nagdaang rehimen kaugnay sa pagtarget sa mga aktibista. Una nang itinanggi ni Aquino na may patakaran ang estado, nakalipas man o kasalukuyan, na nagpapahintulot sa
extrajudicial killings.
Matuturing na positibo ang pagkakatalaga kay Leila de Lima bilang kalihim ng Department of Justice. May positibong magagawa si de Lima para sa kaso ng Morong 43 at iba pang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Nangako si de Lima na magbubuo siya ng ispesyal na grupo ng mga
prosecutors na tututok sa kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao. Sa kabila nito, hindi pa nakikita kung hahayaan ni Aquino si de Lima na gawin ang kanyang trabaho o kung sasagkaan din niya ito.
Bunga ng malakas na presyur at kampanya mula sa loob at labas ng bansa para palayain ang 43 manggagawang pangkalusugan, ipinag-utos ni Aquino sa DOJ na repasuhi ang kaso ng Morong 43. Pero ang mga rekomendasyon ni de Lima ay kailangan munang dumaan sa pagsang-ayon ni Aquino.
Ayon sa Karapatan, may 388 bilanggong pulitikal mula sa panahon ni Arroyo na di pa rin napapalaya sa ilalim ni Aquino.
Isa pang larangan ng labanan para panagutin si Arroyo ay ang impeachment laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez. Si Guiterrez ay kilalang malapit sa pamilyang Macapagal-Arroyo, naging instrumental para protektahan si Arroyo sa mga kasong nag-uugnay sa kanya at mga opisyal niya sa malawakang korupsyon at tumatayong balakid sa pagpapanagot kay Arroyo at mga kasapakat niya.
Pinangunahan ng mga
complainants tulad ng Bayan at Pagbabago, katuwang ang mga progresibong party-list, ang laban para panagutin si Gutierrez. Ito ay sa kabila ng kawalan ng malakas na tulak ng Palasyo sa usapin. Nito na lamang huli nagpakitang-gilas ang mga alyado ni Aquino sa Kamara nang makwestyon ang kanilang kapangyarihan matapos maglabas ng
status quo ante order ang Korte Suprema para ipahinto ang impeachment proceedings.
Nagpapatuloy na paglabag sa karapatang Pantao
Sa pagsapit ng 100 araw sa pwesto ni Aquino, umabot na sa 16 ang kaso ng
extrajudicial killings ayon sa Karapatan, o isa sa bawat linggo mula nang naupo si Aquino. Malaking bilang dito ay mga magbubukid. Sampal ito sa mukha ng administrasyon na nagmalaki noong SONA na 50% ng kaso ng
extrajudicial killings (3 sa 6) sa ilalim nito ay nasampahan na ng kaso ang mga suspek.
Dagdag pa, nananatili ang mga kaso ng
harassment,
torture, pagdukot, pagsampa ng gawa-gawang aso at iba pang paglabag sa krapatang pantao. Pinalawig din ang madugong patakaran sa
counter-insurgency na Oplan Bantay Laya na siyang dahilan sa maraming paglabag sa karapatang pantao sa panahon ni Arroyo. Hindi nagbago ang pagturing at pagtarget ng AFP sa mga ligal na aktibista bilang “enemies of the state”.
Sa halip na panagutin ang mga opisyal ng AFP, sinusuyo pa ni Aquino ang militar para sumuporta sa kanyang administrasyon. Hindi rin niya inuungkat ang mga kaso ng korupsyon sa AFP at PNP sa kabila ng mga pangako kaugnay ng “daang matuwid”.
Gobyernong maka-dayuhan
Our doors are wide open for investors, particularly in tourism, business process outsourcing, mining, electronics, housing and agricultural sectors.
Aquino, Speech before the US-based Council on Foreign Relations, September 23, 2010
Sa pagdalaw ni Aquino sa US – ang kanyang unang byahe sa labas ng bansa bilang pangulo – naging malinaw kung anung klaseng patakarang panlabas at patakaran sa ekonomiya, ang ipapatupad ng kanyang gobyerno.
Dito higit na pinatibay ang di-pantay na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at US. Ang US$434 milyong grant mula sa Millenium Challenge Corporation ng gubyernong US ay naglalantad ng pananalig ni Aquino sa ibayong pagbubukas ng bansa sa dayuhang pamumuhunan at pangungutang. Paulit-ulit niyang hinihikayat ang mga dayuhang mamumuhunan para a turismo,
business process outsourcing (BPO) o tinatawag na
call centers, pagmimina, pabahay at agrikultura. Ito’y nagpapakita ng bangkaroteng panananaw sa pag-unlad.
Hindi binanggit ni Aquino ang usapin ng VFA sa kanyang pakikipagkita kay US President Barack Obama at US Secretary of State Hilary Clinton. Hindi niya kinuwestyon ang permanenteng pananatili ng mga tropang Kano sa Mindanao mula pa noong 2002. Nagpahayag siya ng suporta sa patuloy na panghihimasok ng US sa Timog Silangang Asya. Ipagpapatuloy din ng Pilipinas ang papel bilang
coordinator ng US sa ASEAN.
Umaayon ang rehimeng US-Aquino sa estratehiyang
counter-insurgency ng US, ang pagsasanib na paggamit ng pwersa at panlilinlang upang supilin ang mga rebolusyonaryong pwersa. Kapalit nito ang patuloy na pagbibigay ng US sa Pilipinas ng tinatawag na “military aid” at ibang “tulong”.
Ang US$434 milyon MCC grant naman at ang $59 milyong pautang ng World Bank at iba pang pondo ay binubuhos ni Aquino sa mga huwad ng proyektong “kontra-kahirapan” tulad ng Kalahi-CIDSS sa ilalim ng DSWD. Hindi malayong gamitin din ito bilang bahagi ng
US-directed counter-insurgency program ng gobyerno na gumamit ng panlilinlang kasabay ang pwersang militar. Di rin malayong mauwi sa katiwalian ang mga pondong ito sa panahon ng implementasyon.
Ang KALAHI-CIDSS ay proyektong mula pa sa rehimeng Arroyo. Hanggang sa kasalukuyan, ang mga probinsyang sakop ng programang ito ay kabilang pa rin sa mga pinakamahihirap na lugar sa bansa. Sentral sa programa ang mga Conditional Cash Transfer o pagbibigay ng pera bilang pantawid-gutom ng mga mahihirap. Kabilang din sa mga
target areas ng programa ay mga komunidad kung saan may mga operasyon ng pagmimina.
Itinuturing ni Aquino ang Public-Private Partnership (PPP) bilang solusyon sa matagal nang suliranin ng kawalan ng hanapbuhay sa bansa.
Sa kanyang pananalita sa harap ng Council on Foreign Relations sa US noong Setyembre 23, sinabi ng pangulo na:
The forging of private-public partnerships, or PPPs, would be our main engine in revving up our economy. We will enlist the participation of the private sector, both domestic and foreign, in big-ticket, capital-intensive infrastructure projects, while ensuring reasonable returns. We shall officially launch the PPPs this October. An initial list of 10 PPP projects worth $4.5 billion is already being developed. We look forward to the participation of the U.S. investors, specifically as we open up our infrastructure sector for foreign participation.
Sa kanyang pagbalik, ipinagmalaki ni Aquino ang may 40,000 trabahong kanyang nakuha, na karamihan ay sa business process outsourcing (BPO). Maliban na ang mga trabahong ito ay hindi naman maituturing na malaking kabawasan sa 11 milyong Pilipinong wala o kulang ng hanapbuhay, ang mga trabahong ito ay walang kasiguruhan at hindi magreresulta sa indutriyalisasyon ng ekonomiya ng bansa.
Ang PPPs din ang nakikitang solusyon ng administrasyong Aquino sa kakulangan sa budget. Sa kanyang 2011 Budget Message sinabi ng pangulo na:
With so many needs to fill, we are constrained to find new and creative approaches to making ends meet. We have found the answer. Public–Private Partnerships (PPPs) are an innovative way to address our long-standing lack of funds. We cannot rely on public funds alone to spur the country’s growth. We need additional investments from our partners in the private sector.
Tinawag ni Aquino ang 2011 budget na “reform budget”.
Subalit malayo sa pagiging “reform budget” ang P1.645 trillion National Budget na isinumite ni Aquino sa Kongreso. Nagkaltas ng badyet sa State Colleges and Universities (1.7% bawas) at serbisyong pangkalusugan (P1.4 bilyon bawas), habang nagdagdag ng P80.4 bilyon para sa pagbabayad ng utang (interes at prinsipal). Tumaas ng P4.1 bilyon ang badyet para sa AFP. Kinaltasan din ang badyet ng DFA para sa legal assistance sa mga OFW. Sa ilalim ng PPPs, babawasan ang pondo ng ilang mahahalagang serbisyong panlipunan dahil pupunuan ito sa pamamagitan ng pribadong sektor. Mangingibabaw ang interes ng negosyo sa dapat sanay’ pampublikong serbisyo.
Kamakailan din ay tumining ang usapin ng kawalan ng tirahan matapos ang marahas na demolisyon sa North Triangle sa Quezon City. Ang “PPP” na Quezon City Business District, partikular sa North Triangle, ay makakaapekto sa may 9,000 pamilya.
Repormang agraryo
Walang anumang kongkretong pahayag si Aquino sa usapin reporma sa lupa. Binawasan pa niya ang badyet ng DAR (P7.0 bilyon) at NFA (P8.0 bilyon). Nagpapakita ito ng mababang prayoridad sa reporma sa lupa at agrikultura.
Ipinangako ng noo’y kandidato pa lamang sa pagkapangulo na si Aquino na ipapamahagi niya ang lupain ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka at manggagawang bukid. Subalit taliwas sa pangakong, naghugas kamay ang pangulo sa usapin ng pagpapatupad ng pamamahagi ng lupa ng Hacienda Luisita na pag-aari ng kanyang mga kamag-anak.
Tahimik si Aquino sa inihain ng Hacienda Luisita Inc. Management. na
compromise agreement na magpapanatili sa stock distribution option (SDO) at sa kontrol ng mga Cojuangco-Aquino sa lupain. Ang kanyang pananahimik ay nakakatulong pa sa HLI Management na linlangin ang mga magbubukid.
Mga balakid sa kapayapaan
Sa kanyang SONA, naghain ng mga balakid si Aquino sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan. Inilatag nito ang “indefinite ceasefire” bilang isang kundisyon para maganap ang pag-uusap sa pagitan ng GRP at NDFP. Hindi ito kinakikitaan ng interes na lutasin ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa. Hanggang ngayon ay wala pa itong binubuong peace panel para sa pakikipag-usap sa NDFP. Hindi rin malinaw kung aayon ito sa balangkas ng The Hague Declaration na siyang nauna nang napagkasunduang balangkas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP.
Pamamahalang matuwid?
Ang administrasyong Aquino ay binubuo pa rin mga kinatawan ng malalaking negosyo at panginoong maylupa, mga neo-liberal na teknokrata at mga opisyales na nagmula pa sa nagdaang administrasyong Arroyo. Dahil dito, hindi talaga kakakitaan ng makabuluhang pagbabago sa mga patakaran ang bagong rehimen.
Sa pagtindi ng krisis ng naghaharing sistema, hindi na kayang itago ang matinding bangayan ng mga reaksyunaryong naghaharing-uri, lalo na ang paksyon sa loob mismo ng administrasyon. Humantong na ito sa punto na apektado ang mismong pamumuno ng Palasyo. Sinasabing ang dalawang mayor na paksyon, ang Balay Group (LP, Hyatt10) at Samar Group (mga kaklase at barkada), ang pinagmumulan ng bangayan.
Sa pagtugon sa
hostage crisis sa Manila, nakita ang epekto ng hidwaan ng mga “barkada” at “kapartido” sa di maayos na koordinasyon sa pagtugon sa krisis. Lumitaw na ang Kalihim ng DILG ay wala palang direktang kontrol sa PNP dahil ibinigay ito sa USec na barkada ni Aquino.
Ang Manila hostage crisis ang unang malaking pagsubok sa administrasyong Aquino, at malinaw na palpak ang naging tugon at resulta nito. Hindi nakita ang pamumuno ng Palasyo sa katauhan ng pangulo at gabinete niya. Nauwi sa sisihan ang mga opisyal. Nakita ring inutil at hindi handa ang pulis at mga opisyal ng pamahalaan sa iba’t ibang antas. Pero ang pinagmulan ng kapalpakan ay ang kawalan ng malinaw pamumuno mula sa pambansang antas.
Konklusyon
Hindi kinakitaan ng makabuluhang pagbabago ang unang 100 araw ni Aquino. Walang pagbabago, bagkus ay tumitindi pa, ang krisis ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan. Ipinagpapatuloy at pinatitindi ni Aquino ang marami sa kontra-mamamayan at maka-dayuhang patakaran ng nagdaang rehimen. Superpisyal ang anumang mga reporma o pababago na ipinagmamaki ng administrasyon at hindi sapat ito para lutasin ang umiiral na krisis sa bansa. Mabilis na naglalaho ang kinang ng dilaw ni Noynoy.
Kailangang umasa ang mamamayan sa kanyang sariling lakas, inisyatiba at pakikibaka para maisulong ang tunay na pagbabagong panlipunan. Higit kailan ay kailangang isulong ang pambansa demorkatikong interes at pakikibaka ng mamamayang api sa buong bansa.