Tuesday, October 19, 2010

Labanan ang budget cuts sa edukasyon! Wear your RED TSHIRTS!!!


Labanan ang pagkakaltas ng pondo sa edukasyon! Labanan ang komersyalisasyon ng edukasyon!
Edukasyon, karapatan ng mamamayan, ipaglaban!
Walk-out sa Sept 24! Wear your RED TSHIRTS!!!

PUP students rally in front of CHED to oppose cut in school budget
http://www.gmanews.tv/video/66326/qtv-pup-students-rally-in-front-of-ched-to-oppose-cut-in-schools-budget?utm_source=GMANews.TV&utm_medium=twitter%EF%BB%BF

Labanan ang budget cuts sa edukasyon!

Makakaranas ng malalaking budget cuts ang edukasyon at mga state universities at colleges (SUCs) kung iaapruba ng kongreso ang budget proposal ng gubyernong Aquino para sa taong 2011.

Sa P1.64 trillion na kabuuang budget ng gubyerno para sa taong 2011, P23.4 billion ang ilalaan sa mga SUCs, mas mababa kumpara sa P23.8 billion noong nakaraang taon. Nagmumukha lamang maliit sa bilang ang ibinaba dahil pwersado ang gubyerno na magtaas ng sweldo ng mga empleyado dahil sa pag-apruba ng dagdag sahod noong nakaraang taon. Pero kung tutuusin, di mapapantayan sa kasaysayan ang laki ng pondong ibabawas sa mga SUC.

Pinakamalalaking kaltas

Nasa 25 sa 112 na SUC ang kakaltasan ng pondo, ang may mga pinakamalaking kaltas:

  • University of the Philippines (-P1.39 billion or 20.11%)
  • Philippine Normal University (-P91.35 million or 23.59%)
  • Bicol University (-P88.81 million or 18.82%)
  • University of Southeastern Philippines (-P44.39 million or 20.03%)
  • Central Bicol State University of Agriculture (-P31.65 million or 15.91%)

Ito na ang pinakamalalaking kaltas sa pondo ng SUCs sa mga nagdaang taon.

Lahat pwera sa 15 na mga paaralan ay kakaltasan ng badyet para sa operations o maintenance and other operating expenses (MOOE). Ang iba lagpas 50% ang kaltas sa badyet sa operasyon. Ang kabuuang badyet para sa operasyon ay babawasan ng P1.1 billion, o 28.16%.

Ilan sa mga babawasan ng higit sa kalahati ang operating budget ay ang mga sumusunod:

  • Southern Philippines Agri-Business & Marine and Aquatic School (-66.27%)
  • Southern Leyte State University (-64.03%)
  • Central Bicol State University of Agriculture (-57.96%)
  • Partido State University (-56.83%)
  • Nueva Vizcaya State University (-53.65%)
  • University of the Philippines (-51.85%)
  • Aurora State College of Technology (-51.84%)

Ang Polytechnic University of the Philippines, kung saan pumutok ang protesta nitong taon laban sa pagtaas ng matrikula ay tatagpasan din ng -20.53% o mahigit P23M sa operating budget.

  Sang-ayon ang pagbabawas ng pondo sa patakaran ng gubyerno na higit na ikomersyalisa ang edukasyon. Higit pang iaabandona ng gubyernong Aquino ang responsibilidad na pag-aralin ang mamamayan at ipapapasan ang pagbabayad ng mataas na matrikula at mga bayarin sa mga mag-aaral at mga magulang.

Sa nakaraang mga taon, pababa ng pababa ang bahagdan ng inilalaang pondo ng gubyerno para sa pagpapaandar ng SUCs. Noong 2001, 84.14% ng pondo ng SUCs ay galing sa gubyerno, nasa 66.31% na lamang ito ngayong taon.

Tumataas naman ang kinikita ng mga SUC’s mula sa tuition at iba’t ibang mga bayarin. Mula sa kabuuang P1.5 billion isang dekada ang nakararaan, aabot ito sa mahigit-kumulang P7.7 billion sa 2011, ayon sa projection ng gobyerno. Ito ay bubuo sa mahigit 22.1% ng kabuuang budget ng mga SUC’s mula sa 8.3% lamang noong 2001.

Matatandaang noong 2006, nagtaas ang tuition fee ng UP nang 300%, na umaabot na ngayon ang matrikula sa mahigit P40,000 kada taon, mas mataas pa sa ilang malalaking private schools. Kasabay ding itinulak ang pagtataas ng mga bayarin sa iba pang mga SUC sa buong bansa. Nitong Marso, tinangka ng administrasyon ng PUP na magtaas ng matrikula ng mahigit 2000% na pinigil ng mga protesta ng mga mag-aaral.

Itutulak ng higit na pagtataas ng mga bayarin ang pagdami ng mga hindi makakatapos o makakatungtong man lamang sa kolehiyo. Lalo nitong ipagkakait sa mas maraming kabataan ang karapatang makapag-aral. Ngayon pa lamang, 14% lamang ng mga pumapasok ng elemtarya ang makakatapos ng kolehiyo. Nasa SUCs ang mahigit 40% ng mga estudyante sa kolehiyo dahil na rin sa taas ng matrikula sa mga pribadong paaralan.

Ito ba ang matuwid na daan? Ang pagkakait ng karapatan ng mamamayan sa edukasyon? Ipokrito pang anunsyo ni Aquino na ang kanyang budget ay para sa “reporma” at “biased sa mahihirap.”

Pero ayon din kay Aquino, simula pa lamang ito. Buong pagmamalaki niyang sinabi sa kanyang budget message: “the government aims to gradually reduce subsidy to SUCs” to “push them toward becoming self-sufficient and financially independent.”
Kapos na budget sa DepEd

Habang kinakaltasan ang pondo ng SUCs, kapos naman at mapanlansi ang pondong idinagnag sa DepEd na may 18% budget increase from 175 billion pesos to 207 billion.

Kulang ito ng mahigit P300 billion kung susundon ang rekomendasyong 6% ng GDP ng UN. At lubhang kulang ito para matugunan ang mga kakulangan sa pasilidad at guro.

Target lamang ng gubyterno na ang 18,000 na bagong classroom, gayong ang kailangan ay 152,000, 10,000 bagong teacher gayong 103,599 ang kulang, at 32 million na textbook sa 95 million na kulang.

Ngunit kahit kaunti ay hindi din ito makakadagdag kung aalalahanin na ang dagdag pondong ito ay para sa dagdag 2 taon na programa ng gubyerno. Nabanggit na ni Aquino na ang plano ng kanyang gubyerno ay magdagdag ng P20B sa limang taon para sa dagdag taon. Ibig sabihin, anumang madagdag gamit ang badyet nito ay mawawalang saysay din sa pagpapatupad ng K12 program.

Dagdag badyet sa bayad-utang, militar at kurakot

Habang kinakaltasan ang pondo ng mga paaralan, magdadagdag naman ng pondo para sa bayad utang, militar at pangungurakot.

Pinakamalaking dagdag sa badyet pambayad utang sa kasaysayan ang proposal ng gubyernong Aquino. Madadagdagan ng P80.9B ang pambayad interes na aabot sa P357.1 billion. Ang kabuuang ibabayad sa utang panlabas, kung isasama pa ang prinsipal ay aabot sa P823.7 billion.

Madadagdagan din ang pondo ng militar. Ang badyet ng Department of National Defense (DND) ay tataas mula P96.2 billion tungong P104.7 billion. Ang pondo ng AFP sa kabila ng human rights violations ay tataas ng P10 billion. Ang PNP magtataas ng P6.6 billion na ilalaan din sa counter insurgency.

Tataas din ang pondo na dati nang nagagamit sa pangungurakot: ang pork barrel tataas mula P10.9B tungong P24.8B. Ang mga dole out funds at panuhol aabot ng P29.2B, at mga lump-sum funds sa “Public-Private Partnership Support” na aabot ng P15B.

Labanan ang kaltas badyet sa edukasyon!

Dapat pigilan ng nagkakaisang lakas ng kabataan at mamamayan ang mga kaltas pondong ito sa edukasyon. Pakilusin natin ang pinakamarami at pinakamalawak na hanay ng mga mag-aaral, guro, adminstrador at mga magulang laban sa budget cut, para sa karapatan sa edukasyon, at laban sa komersyalisasyon.

Kalampagin natin ang mga kinatawan sa kongreso at senado na ibasura ang mungkahing kaltas sa badyet sa edukasyon at sa halip irechannel ang pondo ng bayad-utang, militar at kurakot sa pondo sa edukasyon.

Sa darating na Setyembre 24, malakas nating ipapahayag ang ating pagtutol sa pagkakaltas ng pondo sa edukasyon. Nananawagan ang mga organisasyon ng kabataan ng pambansang walk-out sa mga paaralan sa buong bansa para labanan ang mga kaltas sa badyet at kondenahin ang gubyernong Aquino sa kataksilan nito sa kabataan at mamamyan.

Labanan ang pagkakaltas ng pondo sa edukasyon! Labanan ang komersyalisasyon ng edukasyon!
Edukasyon, karapatan ng mamamayan, ipaglaban!
Walk-out sa Sept 24!

No comments: